Martes, Disyembre 27, 2011

Bawal Ang Nakasimangot


Kung ikaw ay masaya tumawa ka!

Gusto ko salubungin ang bagong taon ng matatamis at nakakahawang mga ngiti. Nawa'y maging masaya, masagana, malusog, at mapayapa ang ating bagong taon. Hindi ko ibig sabihin na masaya, masagana, malusog, at mapayapa dito lang sa blog. Nawa'y maging masaya, masagana, malusog, at mapayapa sa totoong buhay. At dahil malapit na ang bagong taon, wala ako dito. Nandoon ako sa totoong buhay.

Miyerkules, Disyembre 21, 2011

Para sa mga bisita...

Lalo na sa ganitong panahon, hindi maiiwasan ang mga bisita. Kailangan silang i-entertain, as in "entertain" talaga. Parang Showtime lang. Magsusuot ng magagarang damit, magkakabit ng palamuti sa bahay para sa isang full production number. At higit sa lahat kailangan magpinta ng matamis na ngiti. Para kunwari ang saya-saya!



Boy: Tao po!
Girl: Walang tao. Umalis. Nag-Christmas break.
Boy: E ano po kayo?
Girl: Manika ako. MANIKA!

Ikaw ay isang bisita.

Lunes, Disyembre 19, 2011

Galit, Iwaglit


Minsan mabuting walang nakakabasa ng blog ko. Naipapahayag ko lahat ng saloobin ko ng walang pag-aalalang may maaapektuhan, katulad na lamang ng mga galit na mabuting ipahayag dito lang.

Hindi ko na balak sabihin sa taong gumalit sa akin na galit ako sa kanya. Wala akong balak itama o baguhin sila. Balak ko lang lumayo sa kanilang mga galit. Dito nagtatapos ang galit.

Gusto ko lumaya sa galit.

Huwebes, Disyembre 15, 2011

Pivotal at Model Muse Barbie Clone


May mga bagong clone ng Barbie sa Toy Kingdom. Ang unang nakakuha ng pansin ko ay ang Jess Love na manika. Naigagalaw ang iba't ibang bahagi ng katawan nito.

Akala ko noong una ay Fashionista clone pero sa kamay pa lamang ay magkaiba na sila. Wala akong Pivotal na Barbie kaya sa Fashionista at Model Muse ko sa ito ikukumpara. Pinalitan ko na ang ulo ng Jess Love ng isang Barbie na pula ang buhok.


Mapapansin na maiksi ang binti ng clone (nasa gitna) kumpara sa dalawang totoong Barbie. Nabanggit ko din na masmalaki ang kamay ng clone. Hindi ito pwede itaas/baba. Naiikot lang ito sa galanggalangan. Dahil sa iksi ng binti masmababa ang clone. Kakaiba din ang leeg ng clone. dahil dito, hindi nakakatango ang ulo ng manika.


Gayun pa man, dahil sa murang halaga, maari na pagtyagaan ang clone lalo na kung mahilig sa kakaibang posisyon. Maganda din naman tingnan sa larawan. Pero kung tatanungin ako kung bibili ba uli ako ng isa pa, malamang hindi na. Hindi maganda ang kalidad ng manika at makikita agad ito kahit nasa kahon pa lang.

Pero may isa pang clone ang nagbabalik, ang Belinda na manika. Di tulad ng unang Belinda model muse clone, wala na itong lubak sa balikat. Maari pa akong bumili uli nito pero saka na.

Lunes, Disyembre 12, 2011

Licca sa Toy Kingdom

Isang sorpresa na makita ang iba't-ibang Takara Licca na manika sa Toy Kingdom. Hindi ko alam kung gaano magiging mabenta ang mga ito. Malaking dahilan para hindi ako bumili ay ang malaking presyo, halos PhP1,500. Ang mga damit naman ay humigit-kumulang PhP700.

Mabuti talaga may ibang pagkukunan. Masmahirap nga lang pero ayos na para sa isang manikang hindi ko paborito.

Miyerkules, Disyembre 7, 2011

Teka, Takara Muna

Simula nang nagkaroon ako ng Jenny, nagsimula na din ako hanapan sya ng boypren. Kaya nang magkaroon ng pagkakataon makabili ako sa eBay, sinunggaban ko agad kahit may mga kasama pang mga manika na hindi ko gusto. Pero, akala ko lang pala di ko gusto. Natutuwa ako dahil ang apat na manika na nabili ko ay nakuha ko sa murang halaga.


Syempre gusto ko yung lalaking manika. Siya si Pierre Kayama, tatay ni Licca. O, di ba alam ko? Sinaliksik ko talaga yan. Kahit na ginawa syang tatay sa mundo ng Takara, ginawa ko syang binata sa mundo ko para magka-bf naman si Jenny. Pero Pierre pa din ang tawag ko sa kanya o di kaya Papa P(ierre).

Ang sumunod na manika ay si Shion (Fashion Station Sweet Bambini). Nilugay ko ang pigtails nya kasi marami na ang tikwas. Nilipat ko sya sa isang Liv na katawan. Kung anime si Lea (ng Mattel), siguro kamukha sya ni Shion. Singkit si Shion (kumpara kay Jenny) at hindi sya nakangiti. Kaya siguro maraming masgusto si Shion kaysa kay Jenny.

Natutuwa ako kasi sa ngayon, medyo alam ko na kung si Jenny, Kisara o Shion yung manika. Dati parang magkakamukha silang lahat. Ganun din dati ako sa manikang Barbie. Di ko alam dati ang pagkakaiba ni Barbie, Teresa (kumpara sa generation girl) at Midge (kumpara sa mackie). Kapag gusto natin ang isang bagay, talaga namang inaalam natin lahat ng pwedeng alamin tungkol dito.

Ang ikatlo ay akala ko hindi ko magugustuhan--yung batang lalaki. Meron na kasi ako na galing kay Karen (yung nakapambahay). Akala ko parehong manika lang sila kaya pwede maging kambal. Hindi pala. Masmalapad yung mukha ng naka-uniporme. Ang cute-cute nila! Pero ayaw ko na dumami pa sila. (Marami pala ang mga batang manika sa Takara). Wala akong pera pampaaral at pambaon nila.


Ang ika-apat ay isang Licca. Hindi naman talaga ako mahilig sa Licca pero hindi ko alam kung bakit nagustuhan ko sya. Hindi naman sya mukhang kakaiba. Kung ikukumpara sya sa mga mala-anime na manika ng Mattel, angat na angat ang ka-cute-an ni Licca. Hindi ko alam kung nagsimula ko syang nagustuhan dahil sa mga cute na larawan nya sa Flickr. Doon naman karaniwan ako nagsisimula.

Martes, Disyembre 6, 2011

Estilong Asyano

Medyo nairita ako sa isang blog kanina kasi ang mga Lea/Kayla nya ay naka-chinoiserie. Kahit yung mukhang Latina! Isa lang lang ang hindi, kasi siguro naubusan na sya ng cheongsam. Akala mo Chinese New Year lang!


At syempre ang tulad ko lang ang papansin sa ganon. Habang lahat sila nagbibigay papuri dahil magaganda naman ang mga manika, heto ako nakakaamoy ng mali.


OK lang sana kung may lahing Tsino ang may-ari at ipinagmamalaki nya yun. Ang kaso, hindi. Isa syang Kano. OK lang kung ginagamit nya yung manika pang-display ng mga damit. Ang kaso, hindi. Ang mga Lea/Kayla nya ay mga Asyanong Kanong tauhan sa kanyang kwento.


Naka-cheongsam ba lagi ang mga Asyanong Kano? Ang pagdadamit nya sa mga manika niya ay sumasalamin kanyang pananaw sa mga Asyanong Kano. Ano ang akala nya sa ating mga Asyano, walang ibang alam na istilo?


E kung sampalin kaya sya ni Yang in her one shoulder with cut out red dress? Letch!


Lunes, Disyembre 5, 2011

Kalumangging Kaligatan


Yung ibang tao, maputi lang pero may iba talagang maganda kahit hindi maputi ang balat.


Biyernes, Disyembre 2, 2011

Huwebes, Disyembre 1, 2011

Martes, Nobyembre 29, 2011

Bagong Bag

Hindi ko alam kung bakit ako nahihilig sa mga bag ng manika sa ngayon. Meron na naman akong bagong bag kaso medyo natitingkaran ako sa kulay nito. Pareho sila ng estilo ng naunang Birkin pero iba ang karakter ng bag na 'to. Parang masmaingay o di kaya masbata.



Iba pa din talaga ang mga neutral na kulay. Masmadaling bagayan. Kaya masgusto ko itong Speedy bag. Kahit siguro, naka t-shirt at short lang, pwede na bagayan ng Speedy. Sana magkaroon naman ako sa susunod ng maliit na Chanel 2.55.


Biyernes, Nobyembre 25, 2011

Nakakalokang Birkin

Sa napakasimpleng desenyo, sino ang makakapagsabi na kalolokohan ito ng maraming mga mayayaman. Ang Birkin ang isa sa mga nakakatawang pangyayari sa kapitalistang mundo. Nabibilog ng Hermes ang ulo ng mga tao na magbayad ng malaki kasi ayaw ng kumpanya gumawa ng maraming bag. Kailan pa biniyayaan ng marami ang pagawa ng konti?

Hindi naman talaga ang "katamaran" ng kumpanya ang dahilan kung bakit sila kumikita ng malaki. Dahil ito sa matalas nilang pag-iisip, sa galing nila gumawa ng alamat, sa husay mambola ng tao!


Isipin mo nga naman, gusto mo magkaroon ng bag pero hindi mo alam kung kailan magkakaroon sa tindahan. Kung magkaroon man, kaunti lang. Kung gusto mo ng Birkin, maghintay ka! Takam na takam na tuloy ang mga naloloka sa Birkin.

Ngunit dahil sa pagbagsak ng ekonomiya, minabuti ng kumpanya na wag na takamin ang taong bayan. Kahit sinong may pera maari na bumili. Wala na ang hintayan. Dati-rati, ang mga makapangyarihan lang ang nakakabili. Ngayon, pati ang isang Heart Evangelista ay may Birkin na. Maging ang ang isang manika ni ko, meron na din.


Tinitingnan ko kung marami ba ang naloloka sa Birkin sa mga nagmamanika. Pinaskil ko ang mga larawan sa taas para kumuha ng reaksyon. May ilang nakaunawa sa (nakakatawang) sinisimbolo ng bag, pero masmarami pa din ang nagkagusto sa iba kong larawan.

At tulad ng sekreto na Birkin, isang sekreto din kung saan nagmula ang Birkin ng manika ni ko.
(Just like the secret of the Birkin, no one knows how my doll got her Birkin.)

Miyerkules, Nobyembre 23, 2011

Ang Kalupi

Ang tagal kong inisip kung ano sa Tagalog ang "purse". Gusto ko sana ibahagi kung paano ko ito ginawa. Naalala ko ang isa sa mga paborito kong kwento, "Ang Kalupi" ni Benjamin Pascual. Dahil dito, iba ang naisip kong isulat ngayon. Tungkol ang kwento ni Pascual sa panghuhusga sa kapwa tao, marahil dahil sa pagkakataon pero higit dahil sa panlabas na anyo.


Naiisip ko lang bigla na dahil ang mga manika ay likas na walang katauhan, nabibigyan sila ng katauhan dahil sa mga isinusuot sa kanila. Hindi sila makakapagsalita para ipakita ang talino, damdamin at pagpapahalaga nila. Naipapakita nila yun dahil sa suot nila. Sinasanay tayo ng mga manika humusga sa pagkatao mula sa panlabas na anyo.


Hindi ito masama kung alam natin na ganito ang kalakaran, na ito sa isang uring ng wika na ginagamit natin sa pakikipagtalastasan. Halibawa, gusto ko matanggap sa ina-aplayan kong trabaho kaya nagbihis ako ayon sa aking gustong katungkulan. Kapag naiinis ako sa patakaran ng kumpanyang pinagtatrabahuhan ko, hindi ko sinusunod ang dress code. Dapat alam natin kung paano ito gamitin at hindi gamitin (dahil ito ay may hangganan).


Maliban sa suot na damit, marami pang pwede gamitin upang ipahiwatig ang katauhan. Nandyan ang mga alahas, tindig at syempre ang kalupi.

Lunes, Nobyembre 21, 2011

Kumukutikutitap



Taon-taon naglalabasan ang mga nagkikinangang mga kulay ng mga dekorasyong pang Pasko. Sa panahon ng Pasko sa taong ito, nauuso ang mga nakikinangang damit. Hindi mapipigil ang mga manika ni ko magkaroon ng mga kumukutitap na damit tulad ng di mapipigilan ang Pasko.

Biyernes, Nobyembre 18, 2011

Huwebes, Nobyembre 17, 2011

Wala Lang

Bakit ba ako gumagastos para sa isang damit na "wala lang" tulad ng bagong bili kong damit ni Jenny? Siguro nanghinayang ako sa pagkakataong pinalipas ko sa pagbili ng damit ni Jenny. Hindi kasi sang-ayon sa aking panlasa ang mga damit nya. Sayang talaga ang mga murang damit na iyon. Ngayon ko napagtanto na kailangan ko ng ibang tauhan para sa mga manika ni ko. At dahil ibang tauhan sila, iba din sila manamit.



Hindi kailangan na lahat ng manika ni ko ay mga modelo at masusungit (o masasaya). May mga panahon, tulad ng isang tahimik na hapon na walang nangyayari kundi paglipas ng oras ang nangangailangan ng damit na "wala lang". Tamang-tama ang damit na ito sa ganoong pagkakataon. May kakaibang kagalakan kung mapapalabas ang kagandahan ng isang hindi agaw pansin na damit, banayad at tahimik. Tuwang wala lang.



Higit sa damit, isang di inaasahang sorpresa ang kasamang pulang sapatos. Kasya sila sa mga CCE (mga mukhang Blythe na manika). Mahirap kasi sila hanapan ng sapatos. Mukha namang masaya si Chichi sa bagong sapatos nya. Samahan mo ng ginantyilyong pulang damit, ang wala lang, nagiging masmatingkad at masaya!

Martes, Nobyembre 15, 2011

Dapat Gawin

Kailangan maibaling ang isip sa Pasko. Pansamantala munang kaligtaan ang mga problema ng pangkaraniwang buhay tulad ng tumatagas na tubo ng tubig o ang anay sa aparador. Ipagwalang bahala ang mga pabayang mga taong ayaw gawin ang nararapat. Saka na isipin kung sino pa ang dapat bilihan ng regalo.

Malunod muna sa kinang at kulay ng Pasko. Kahit maraming umagaw ng pansin, kailangan ituon ang mata sa kulay at kinang. Nagtitingkarang kulay, nagkikinangang bagay. Ahhhh...iniisip ko pa lang natutuwa na ako.


Gusto ko guwa ng damit na tulad ng ginawa ko para sa iba. Bakit ko nagawa para sa iba at hindi para sa sarili? Dapat gawin ko din para sa sarili ko dahil PasKo. At dahil kumikinang. At dahil maganda kahit di sang-ayaon ang iba. At dahil maraming pang dahilan, dapat gawin.

Biyernes, Nobyembre 11, 2011

Binili sa Bodega


Bodega sale

Pagkapasok ko sa bodega ng Richwell, agad ko hinanap ang mga Barbie. Una kong nakita na walang Barbie Basics. Kaunti lang ang nabili ko nakaraang taon kung kaya kaunti lang din ang inaasahan kong mabili kanina. Dahil walang Barbie Basics, baka wala pa ako mabili. Ayos lang naman sa akin yun kasi umiiwas ako sa gastos hanggang maari.


(Baka dito nakatago ang Barbie Basics...)

Sinubukan kong lumibot sa maliit (maliit kumpara sa dati) na bodega nila, nagbabakasakali. Wala talagang Barbie Basics.Wala yata akong makikitang manika na magugustuhan ko. Una kong nakita na nagustuhan ko ay si Alet. Ang tagal na kasi namin di nagkikita. Sya din ang nakakita sa damit na suot ni Kayla sa ibaba. Dahil napansin nya na gusto ko, ipinaubaya na nya sa akin yung damit. (Salamat Alet! Natuwa ako nakita kita doon. Alam ko makikita kita doon kaya nagtext ako sa sa yo.)


(Miss, nasaan na ang mga Barbie Basics?)

Yung mga Fashionista 20% lang ang diskwento, masmahal pa din sa PhP600 (dating presyo sa isang tindahan). Yung mga Fashionista at Liv na sira na ang kahon, PhP300 na lang pero di pa din ako bumili. Kukuha sana ako ng isang Liv kaso nang makita ko ang mga Fashion Fever na mga damit, nahirapan na ako buhatin lahat. Nakalimutan ko kasi kumuha ng supot. Minabuti ko iwan yung Liv na manika. Isang manika lang ang nabili ko, si Yumi ng Hihi Puffy AmyYumi. Nagustuhan ko sya kasi di sya mukhang beauty queen o modelo. Kakaiba ang ganda nya. Nalipat na ang kanyang ulo sa isang reserba kong Liv na katawan.


Sa kabuuhan, natuwa ako sa mga nabili ko, kahit yung mga damit na baduy. Nasa nagdadala yan! Saka kung di ko talaga magustuhan, ipasa sa pamangkin, di ba? Sa tuwa ko, kinunan ko ng litrato ang mga binili ko. Nakalimutan ko na kung gaano nakakapagod mag-ayos ng set. Sumakit yata likod ko. Balak ko sana isuot sa mga manika yung mga damit bago kunan ng larawan, kaso pagod na talaga ako. Ginamit ko na lang yung larawan sa lalagyan ng damit. Matutuwa ang mga manika ni ko nito. Syempre ako din!

Huwebes, Nobyembre 10, 2011

Sanggunian Para sa Pagbabago ng Mukha

Para sa hindi pa sumusubok na baguhin ang mukha ng manika...

Para din sa gusto pang pagbutihin ang kakayahan baguhin ang mukha ng manika...

May isang nagbahagi ng kanyang kaalaman.

Martes, Nobyembre 8, 2011

Alahas


Sa kanluraning kaisipan, ang pagsusuot ng alahas ay tungkol sa pagpapalamuti sa katawan at pagpapaganda. Dahil sinakop na tayo ng kanluraning isipan, ganun na din ang ating pag-iisip. Sa silangan marami pa din ang naniniwala na ang mga alahas ay anting-anting, pampaswerte, gayuma at iba pa.


Maari ito magpahayag ng katayuan sa buhay ng nagsusuot. Maari din nito ipakita ang ilang anggulo sa pagkatao ng may-ari tulad na lang pagpapahalaga sa detaye o ang hilig sa makaluma o makabago.

(Ang suot na peluka at alahas ng Fashionista Queen na si Kayla ay gawa ko.)

Biyernes, Nobyembre 4, 2011

Ang Bagong Mukha

Mahilig ang tao sa bago. Nang nagkaroon ng bagong hulmahan ng mukha si Barbie, agad itong nagustuhan ng marami.

Unang ginamit ang hulma sa Glimmer of Gold at Louboutin Barbie. Kaya tinawag ang hulma na Louboutin/Glimmer. Malaki ang pagkakaiba nito sa mga naunang mukha ni Barbie. Malaki ang ilong ng bagong mukha.

Pinakamalapit na siguro ang mukha ni Lea/Kayla (kaliwa sa larawan sa ibaba). Pareho silang medyo mapanga. Pero nagngingibabaw pa din ang pagka-Caucasian ng bagong mukha. Masmatangos ang ilong at masmakanto ang mukha. Hindi katulad ng mukha ni Lea/Kayla na may banayad na kurba ang mukha.


Inihambing ko din sya sa retukadong Lois Lane na manika (kanan sa larawan sa ibaba). Ang karapatang-ari ng mukha ni Lois Lane ay hindi hawak ng Mattel kaya hindi talaga sya maituturing na kaibigan ni Barbie. Sa larawan, mapapansing malaki talaga ang ilong ng bagong mukha. Pero maganda ang korte ng labi ng bagong mukha.


Malaki na nga ang pinagbago ni Barbie. Hindi tulad ng mga naunang mga molde na pwede pang pilitin magmukhang Asyano, ang bagong molde ay hindi na masyadong kapanipaniwala kung gagawing Asyano (mula sa silangan, malayong silangan o timog-silangang Asya). May isang nagtangkang gawin mukhang Hapon ang bagong molde. Hindi masyadong halata ang laki ng ilong sa larawan dahil marahil nalunod sa ilaw. Para sa akin hindi sya mukhang natural na Hapon. Maskahawig nya ang mga puting gumaganap bilang Cio-cio San sa Madame Butterfly. Artipisyal. Pilit.

Sa bagong molde, lalong pinaninindigan ni Barbie na Caucasian sya. Sa pagbabago ng mukha ni Barbie, maslalo akong hindi naka-relate sa kanya. Masgusto ko pa din ang mga kaibigan nya kahit pa pilitin sila ng Mattel ilugar sa likod ng bidang si Barbie.

Huwebes, Nobyembre 3, 2011

Estilo

Napanood ko sa Project Runway 8, ilang episode na ang nakakalipas na nilalait ng mga hurado ang mga gown na ginawa ng mga kalahok para sa high fashion na hamon. Ang ibig sabihin ba nito ay hindi pang-high fashion ang mga pang-beauty pageant na mga gown? Aba malay ko!

Wala akong alam sa high fashion at wala naman akong hilig sa gown. Ang tipo kong ng damit iyong mga pwede isuot sa opisina, mall, lakwatsahan at ilang especial na okasyon na hindi pormal, mga damit na pangkaraniwang araw pero hindi mukhang pangkaraniwan. Yung tipo ng damit na hindi ka matatakot na may katulad na iba, medyo kakaiba pero hindi kakatwa na parang costume. Gusto ko ng may tamang timpla ng pangkaraniwan at kakaiba.

Sa pagkakataong ito, sinubukan kong gumawa ng mga pantalon, lalo na ang mga nauusong palazzo na pantalon. Yung bulaklaking pantalon ang una kong ginawa kaya medyo kulang pa sa luwag sa laylayan. Binago ko ang aking padron bago ko ginawa ang dalawa pang pantalon. Wala naman masyadong kakaiba sa mga damit pero nagustuhan ko. Siguro dahil yun sa paghahalo ng iba't ibang damit at palamuti para masmaging kaaya-aya ang itsura. Pag-estilo.

Napanood ko din sa Project Runway 8, na masgusto ng mga hurado ang kalahok na mahusay ang estilo kahit simple ang ginawang damit kaysa sa maskomplikadong damit pero ang pagkaestilo sa modelo ay makaluma. Sa fashion, siguro importanteng ang 'mukhang' bago kaysa sa bago talaga. Kahit luma ang damit basta pwede i-estilo na makabago, panalo.

Yung ang balak ko gawin sa mga makalumang pantalon na gawa ko. Mas sanay ako magterno-terno ng gamit, yung tipong magkakakulay ang damit sinturon, bag at sapatos. Pero hindi na daw uso iyon sa ngayon. Dapat daw naglalaban ang kulay ng damit at ibang palamuti sa katawan. Masubukan nga.


Pero ayaw ko talaga ng masyado sabog ang kulay, parang dekada 80. Minabuti kong gumawa ng damit na mapupusyaw ang kulay. Pinili ko na gumamit ng matitingkad na kulay para sa palamuti. Yung isang pantalon, medyo agaw pansin na ang kulay, kaya pinili ko ang neutral na kulay para sa sapatos nya.

Mukhang maganda naman kinalabasan sa mga manika ni ko pero di ko lang alam kung babagay din sya sa mga totoong tao. Minsan kasi maganda lang sa manika pero pangit sa tao. At ang maganda sa akin ay maaring pangit sa iba dahil magkaiba kami ng estilo.

Miyerkules, Nobyembre 2, 2011

Ang Tipo Kong Barbie

Simula't sapul pa lang, kahit nagagandahan ako kay Barbie, hindi ako maka-relate sa kanya. Masgusto ko talaga ang mga kaibigan niya tulad nina Lea, Kayla, Kira at Teresa. Pwede kasi silang pumasa bilang Filipino.

Nakakasawa din naman ang pagka-blondina ni Barbie. Kung papansinin nyo, madalang ako magpakita ng larawan ni Barbie mismo. Masmadalas ko ipakita ang mga kaibigan nya. Pero para sa pagkakataong ito, gusto ko pag-usapan ang tipo kong Barbie.

Kapag sinabing Barbie, karaniwang ginagamit ang apat hulmahan ng mukha sa kasalukuyang panahon. May mga Afrikano-Amerikanong mga Barbie pero hindi ako mapapaniwala na si Barbie talaga sila kapag hindi isa sa apat na hulma ang ginamit. (May iba pang mga hulma ng mukha si Barbie pero hindi na ito karaniwang ginagamit maliban na lamang sa mga reproduksyon, tulad ng Superstar na hulma.) Pang-apat sa listahan ng mga pangkasalukuyang hulma ni Barbie ang Louboutin o Glimmer na hulma. Sa ibang pagkakataon ko na siguro sya ipapakita sa blog ko kasi medyo kakaiba ang itsura nya kumpara sa tatlong nasa ibaba.

Mula sa kaliwa (hulma): 2010 Harley Davidson Barbie (Aprhodite), Barbie bilang si Priscilla Presley (Mackie), isang bukod-tangi o OOAK na manika (Generation Girl)

Malaki ang pagkakahawig ng tatlong mga hulma. Nagkaiba lang halos sa ngiti. Habang lumalapad ang ngiti, syempre naiiba din ng kaunti ang korte ng pisngi. Ang pangalan ng hulma ay karaniwang pangalan ng isa mga unang pinakakilalang manikang pinaggamitan ng hulmahan.

Mukha silang magkakapatid pero sa isip ko isang karakter lang talaga siya na nag-iba ng ayos. Hindi ko gusto, pero parang naaalala ko ang magkakapatid na Kardashian. Hindi naman nalalayo ang pagkatao ni Barbie sa mga Kardashian kaya siguro pwede na.

Hindi blonde ang tipo kong Barbie. Gusto ko talaga ng itim na buhok o di kaya ay halos kulay itim na. Maganda ang kulay bughaw na mata pero sa tipo kong Barbie, kulay tsokolate dapat. Kung papapiliin ng make-up gusto ko sana yung mukhang malinis. Hindi matingkad na pula ang mga labi. Hindi din sana makapal ang make-up lalo na sa mata kaso wala pa akong panahon retukaduhin ang mukha ng mga manika.

Sa tatlo, hindi ko paborito ang Aphrodite. Sobrang pilit ang kanyang ngiti. Pinakagusto ko ang Mackie kasi hindi din ako pala-ngiti. Akala ko, hindi ko magugustuhan ang Generation Girl kasi nasawa na ako sa mukha nya na ginamit simula noong dekada 90 pa. Iba talaga kung masmaliit ang mata nya at itim ang buhok. Nagagandahan na ako sa kanya.

Ano kaya ang tipong Barbie ng iba?

Lunes, Oktubre 31, 2011

Ang Upuan


Puno ang mundo ng mga pangyayaring mahirap ipaliwag. Hindi ihihinto ang buhay natin para hanapan ng paliwanag ang lahat ng mga ito. Sa maraming pagkakataon, tinatanggap na lang natin at ipagpapatuloy ang buhay. Ngunit may mga pagkakataong babalik at babalik ang mga alaala, parang mga katanungang umaalingawngaw sa isipan. Wala kang magawa para masagot ang mga iyon kundi ilahad ang mga pangyayari at ibahagi ang tanong sa iba. Ang mga sumusunod ay batay sa aking pagkaalala sa isang tunay na pangyayari.

Sa larangang aking pinasukan, may mga pagkakataong kailangang palipasin ang gabi sa aming tanggapan, lalo na kung malapit na ang pinangangambahang deadline. Tatlo sa aking mga katrabaho ang kasama kong nagpaumaga. Mag-aalas-tres na ng madaling araw kami natapos. Walang epekto ang kape para mapawi ang pungay sa aming mga mata. Halos hindi na kami nag-uusap sa mga oras na iyon dahil marahil naubusan na kami ng kwento. Naging abala na din kami magimpake para umuwi.

Gusto ko ang aking mga katrabaho. Hindi sila nang-iiwan. Tapos na talaga si Rose ngunit hinintay niya kaming lahat bago sya umuwi. Sabay-sabay kaming lumabas ng silid at nakahanay bumaba sa hagdan. Tahimik pa din ang lahat.

Patay na ang karamihan ng ilaw sa gusali. Kami na lang ang tao sa loob. Malapit sa pintuang palabas ng gusali, isang upuang pang-opisina ang halos nakaharang sa aming daraanan. Ito iyong may malapad na sandalan at apat na gulong sa paa. Tila nakadungaw ito palabas sa salaming pinto. Kung maliit kang tao, makakadaan ka ng hindi masasagi ang upuan. Dahil maliit na babae ang aking mga kasama, hindi sila naabala. Ako ang nasa dulo ng pila at may kalaparan ang katawan. Kailangan kong sadyang umiwas.

Hindi ko maipaliwanag kung bakit ayaw ko masagi ang upuang wala sa tamang kinalalagyan. Siguro dahil sa dilim at katahimikan, naisip kong kumilos na parang magnanakaw na hindi gagawa ng kahit anong ingay.

Iiwas na sana ako sa upuan ng biglang gumulong ito paatras. Sinipa marahil ito ni Ara, na nasa aking unahan, para lumuwag ang daan. Pinigilan kong magtanong hanggang kami ay makalabas. Ayaw kong may ibang makarinig ng aking tanong.

Sa labas ng gusali, tinanong ko si Ara, "Sinipa mo ba yung upuan kanina?"

"Akala ko nga ikaw sumipa eh," ani Ara.

"Kanina pa masama pakiramdam ko sa upuan na yun kaya ko iniwasan," sabi ni Rose.

Nagtinginan kaming apat. May kung anong lamig ang bumalot sa aking katawan.


______________

(Ako ay nagbabakasyon. Hindi ako makakapag-online hanggang sa ika-2 ng Nobyembre 2011. Ang artikulong ito ay awtomatikong nalathala sa ika-31 ng Oktubre.)

Martes, Oktubre 25, 2011

Bruha

Walang katumbas sa Tagalog ang salitang "Halloween". Ang tradisyong ito ay isa sa ginaya natin sa mga Kano. Sa panahong ito, hindi lamang paggaya sa itsura ng mga masasamang elemento ang ginagawa kundi pati pagpapanggap bilang ibang tao.


Sa isang gabi, isang pagpapakawala sa sarili, isang pagbabago ang nagaganap sa mga tumatangkilik sa okasyon. Ngunit isa lang ba itong pagpapanggap? O sadyang may ganitong elemento na sa kaibuturan natin na sadya lang isinang-tabi?


Ang umaastang bruha ba sa isang gabi ay gusto talagang umastang bruha sa ibang pagkakataon? Hindi naman malayo mangyari yun. Masarap magpakawala at maging bruha paminsan-minsan. Aminin.

Lunes, Oktubre 24, 2011