Miyerkules, Nobyembre 2, 2011

Ang Tipo Kong Barbie

Simula't sapul pa lang, kahit nagagandahan ako kay Barbie, hindi ako maka-relate sa kanya. Masgusto ko talaga ang mga kaibigan niya tulad nina Lea, Kayla, Kira at Teresa. Pwede kasi silang pumasa bilang Filipino.

Nakakasawa din naman ang pagka-blondina ni Barbie. Kung papansinin nyo, madalang ako magpakita ng larawan ni Barbie mismo. Masmadalas ko ipakita ang mga kaibigan nya. Pero para sa pagkakataong ito, gusto ko pag-usapan ang tipo kong Barbie.

Kapag sinabing Barbie, karaniwang ginagamit ang apat hulmahan ng mukha sa kasalukuyang panahon. May mga Afrikano-Amerikanong mga Barbie pero hindi ako mapapaniwala na si Barbie talaga sila kapag hindi isa sa apat na hulma ang ginamit. (May iba pang mga hulma ng mukha si Barbie pero hindi na ito karaniwang ginagamit maliban na lamang sa mga reproduksyon, tulad ng Superstar na hulma.) Pang-apat sa listahan ng mga pangkasalukuyang hulma ni Barbie ang Louboutin o Glimmer na hulma. Sa ibang pagkakataon ko na siguro sya ipapakita sa blog ko kasi medyo kakaiba ang itsura nya kumpara sa tatlong nasa ibaba.

Mula sa kaliwa (hulma): 2010 Harley Davidson Barbie (Aprhodite), Barbie bilang si Priscilla Presley (Mackie), isang bukod-tangi o OOAK na manika (Generation Girl)

Malaki ang pagkakahawig ng tatlong mga hulma. Nagkaiba lang halos sa ngiti. Habang lumalapad ang ngiti, syempre naiiba din ng kaunti ang korte ng pisngi. Ang pangalan ng hulma ay karaniwang pangalan ng isa mga unang pinakakilalang manikang pinaggamitan ng hulmahan.

Mukha silang magkakapatid pero sa isip ko isang karakter lang talaga siya na nag-iba ng ayos. Hindi ko gusto, pero parang naaalala ko ang magkakapatid na Kardashian. Hindi naman nalalayo ang pagkatao ni Barbie sa mga Kardashian kaya siguro pwede na.

Hindi blonde ang tipo kong Barbie. Gusto ko talaga ng itim na buhok o di kaya ay halos kulay itim na. Maganda ang kulay bughaw na mata pero sa tipo kong Barbie, kulay tsokolate dapat. Kung papapiliin ng make-up gusto ko sana yung mukhang malinis. Hindi matingkad na pula ang mga labi. Hindi din sana makapal ang make-up lalo na sa mata kaso wala pa akong panahon retukaduhin ang mukha ng mga manika.

Sa tatlo, hindi ko paborito ang Aphrodite. Sobrang pilit ang kanyang ngiti. Pinakagusto ko ang Mackie kasi hindi din ako pala-ngiti. Akala ko, hindi ko magugustuhan ang Generation Girl kasi nasawa na ako sa mukha nya na ginamit simula noong dekada 90 pa. Iba talaga kung masmaliit ang mata nya at itim ang buhok. Nagagandahan na ako sa kanya.

Ano kaya ang tipong Barbie ng iba?

Walang komento: