Wag mo itong seryosohin dahil wala na ako sa katinuan. Hello...naglalaro kaya ako ng manika.
Lunes, Oktubre 31, 2011
Ang Upuan
Puno ang mundo ng mga pangyayaring mahirap ipaliwag. Hindi ihihinto ang buhay natin para hanapan ng paliwanag ang lahat ng mga ito. Sa maraming pagkakataon, tinatanggap na lang natin at ipagpapatuloy ang buhay. Ngunit may mga pagkakataong babalik at babalik ang mga alaala, parang mga katanungang umaalingawngaw sa isipan. Wala kang magawa para masagot ang mga iyon kundi ilahad ang mga pangyayari at ibahagi ang tanong sa iba. Ang mga sumusunod ay batay sa aking pagkaalala sa isang tunay na pangyayari.
Sa larangang aking pinasukan, may mga pagkakataong kailangang palipasin ang gabi sa aming tanggapan, lalo na kung malapit na ang pinangangambahang deadline. Tatlo sa aking mga katrabaho ang kasama kong nagpaumaga. Mag-aalas-tres na ng madaling araw kami natapos. Walang epekto ang kape para mapawi ang pungay sa aming mga mata. Halos hindi na kami nag-uusap sa mga oras na iyon dahil marahil naubusan na kami ng kwento. Naging abala na din kami magimpake para umuwi.
Gusto ko ang aking mga katrabaho. Hindi sila nang-iiwan. Tapos na talaga si Rose ngunit hinintay niya kaming lahat bago sya umuwi. Sabay-sabay kaming lumabas ng silid at nakahanay bumaba sa hagdan. Tahimik pa din ang lahat.
Patay na ang karamihan ng ilaw sa gusali. Kami na lang ang tao sa loob. Malapit sa pintuang palabas ng gusali, isang upuang pang-opisina ang halos nakaharang sa aming daraanan. Ito iyong may malapad na sandalan at apat na gulong sa paa. Tila nakadungaw ito palabas sa salaming pinto. Kung maliit kang tao, makakadaan ka ng hindi masasagi ang upuan. Dahil maliit na babae ang aking mga kasama, hindi sila naabala. Ako ang nasa dulo ng pila at may kalaparan ang katawan. Kailangan kong sadyang umiwas.
Hindi ko maipaliwanag kung bakit ayaw ko masagi ang upuang wala sa tamang kinalalagyan. Siguro dahil sa dilim at katahimikan, naisip kong kumilos na parang magnanakaw na hindi gagawa ng kahit anong ingay.
Iiwas na sana ako sa upuan ng biglang gumulong ito paatras. Sinipa marahil ito ni Ara, na nasa aking unahan, para lumuwag ang daan. Pinigilan kong magtanong hanggang kami ay makalabas. Ayaw kong may ibang makarinig ng aking tanong.
Sa labas ng gusali, tinanong ko si Ara, "Sinipa mo ba yung upuan kanina?"
"Akala ko nga ikaw sumipa eh," ani Ara.
"Kanina pa masama pakiramdam ko sa upuan na yun kaya ko iniwasan," sabi ni Rose.
Nagtinginan kaming apat. May kung anong lamig ang bumalot sa aking katawan.
______________
(Ako ay nagbabakasyon. Hindi ako makakapag-online hanggang sa ika-2 ng Nobyembre 2011. Ang artikulong ito ay awtomatikong nalathala sa ika-31 ng Oktubre.)
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento