Simula nang nagkaroon ako ng Jenny, nagsimula na din ako hanapan sya ng boypren. Kaya nang magkaroon ng pagkakataon makabili ako sa eBay, sinunggaban ko agad kahit may mga kasama pang mga manika na hindi ko gusto. Pero, akala ko lang pala di ko gusto. Natutuwa ako dahil ang apat na manika na nabili ko ay nakuha ko sa murang halaga.
Syempre gusto ko yung lalaking manika. Siya si Pierre Kayama, tatay ni Licca. O, di ba alam ko? Sinaliksik ko talaga yan. Kahit na ginawa syang tatay sa mundo ng Takara, ginawa ko syang binata sa mundo ko para magka-bf naman si Jenny. Pero Pierre pa din ang tawag ko sa kanya o di kaya Papa P(ierre).
Ang sumunod na manika ay si Shion (Fashion Station Sweet Bambini). Nilugay ko ang pigtails nya kasi marami na ang tikwas. Nilipat ko sya sa isang Liv na katawan. Kung anime si Lea (ng Mattel), siguro kamukha sya ni Shion. Singkit si Shion (kumpara kay Jenny) at hindi sya nakangiti. Kaya siguro maraming masgusto si Shion kaysa kay Jenny.
Natutuwa ako kasi sa ngayon, medyo alam ko na kung si Jenny, Kisara o Shion yung manika. Dati parang magkakamukha silang lahat. Ganun din dati ako sa manikang Barbie. Di ko alam dati ang pagkakaiba ni Barbie, Teresa (kumpara sa generation girl) at Midge (kumpara sa mackie). Kapag gusto natin ang isang bagay, talaga namang inaalam natin lahat ng pwedeng alamin tungkol dito.
Ang ikatlo ay akala ko hindi ko magugustuhan--yung batang lalaki. Meron na kasi ako na galing kay Karen (yung nakapambahay). Akala ko parehong manika lang sila kaya pwede maging kambal. Hindi pala. Masmalapad yung mukha ng naka-uniporme. Ang cute-cute nila! Pero ayaw ko na dumami pa sila. (Marami pala ang mga batang manika sa Takara). Wala akong pera pampaaral at pambaon nila.
Ang ika-apat ay isang Licca. Hindi naman talaga ako mahilig sa Licca pero hindi ko alam kung bakit nagustuhan ko sya. Hindi naman sya mukhang kakaiba. Kung ikukumpara sya sa mga mala-anime na manika ng Mattel, angat na angat ang ka-cute-an ni Licca. Hindi ko alam kung nagsimula ko syang nagustuhan dahil sa mga cute na larawan nya sa Flickr. Doon naman karaniwan ako nagsisimula.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento