Mahilig ang tao sa bago. Nang nagkaroon ng bagong hulmahan ng mukha si Barbie, agad itong nagustuhan ng marami.
Unang ginamit ang hulma sa Glimmer of Gold at Louboutin Barbie. Kaya tinawag ang hulma na Louboutin/Glimmer. Malaki ang pagkakaiba nito sa mga naunang mukha ni Barbie. Malaki ang ilong ng bagong mukha.
Pinakamalapit na siguro ang mukha ni Lea/Kayla (kaliwa sa larawan sa ibaba). Pareho silang medyo mapanga. Pero nagngingibabaw pa din ang pagka-Caucasian ng bagong mukha. Masmatangos ang ilong at masmakanto ang mukha. Hindi katulad ng mukha ni Lea/Kayla na may banayad na kurba ang mukha.
Inihambing ko din sya sa retukadong Lois Lane na manika (kanan sa larawan sa ibaba). Ang karapatang-ari ng mukha ni Lois Lane ay hindi hawak ng Mattel kaya hindi talaga sya maituturing na kaibigan ni Barbie. Sa larawan, mapapansing malaki talaga ang ilong ng bagong mukha. Pero maganda ang korte ng labi ng bagong mukha.
Malaki na nga ang pinagbago ni Barbie. Hindi tulad ng mga naunang mga molde na pwede pang pilitin magmukhang Asyano, ang bagong molde ay hindi na masyadong kapanipaniwala kung gagawing Asyano (mula sa silangan, malayong silangan o timog-silangang Asya). May isang nagtangkang gawin mukhang Hapon ang bagong molde. Hindi masyadong halata ang laki ng ilong sa larawan dahil marahil nalunod sa ilaw. Para sa akin hindi sya mukhang natural na Hapon. Maskahawig nya ang mga puting gumaganap bilang Cio-cio San sa Madame Butterfly. Artipisyal. Pilit.
Sa bagong molde, lalong pinaninindigan ni Barbie na Caucasian sya. Sa pagbabago ng mukha ni Barbie, maslalo akong hindi naka-relate sa kanya. Masgusto ko pa din ang mga kaibigan nya kahit pa pilitin sila ng Mattel ilugar sa likod ng bidang si Barbie.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento