Miyerkules, Pebrero 1, 2012

Para sa mga Nangungulekta Para Magbenta

Sa totoo lang wala pa akong nakikilalang yumaman sa ganyang paraan - yung mga kolektor kuno na bibili ng mga manika para itago pagkatapos ibebenta sa masmahal na halaga. (Iba ang distributor sa kolektor. Kolektor ang pinag-uusapan dito.) Maaring may ilang kumikita dito pero isa itong sugal, malaking sugal lalo na bansa natin. May masmagagandang paraan para kumita, kahit nakaupo ka lang at walang ginagawa pero hindi ito ang blog para pag-usapan iyon.

Kamakailan lang, nagbenta sa eBay ang isang kolektor ng mga koleksyon niyang Barbie. Sa murang halaga nya naibenta. Ilan sa mga ito ay hindi nabenta. Bakit ka bibili ng PhP10,000 na Barbie (na hindi gumagalaw ang maraming parte ng katawan) kung makakabili ka na ng magandang Fashion Royalty sa halagang PhP6,000 pataas?

Sa isang blog, nabasa ko ang isang komento ng eBay seller na iyon. Sabi nya...
Im a barbie collector of 300 dolls and believe me values doesnt really go up... it doesnt worth that much especially if its not 10years up sister!
Napagtanto siguro nya na hindi naman magandang paraan ang pagbili/pagbenta ng manika para kumita. Kaya ba sya sumuko at nagbenta sa masmurang halaga?

Kung sa pagbili/pagtago/pagbenta umiikot ang mundo ng pangungulekta para sa 'yo, maaring malugi ka. Sayang ang laruan kung hindi ito paglalaruan. Kaya sumikat ang linya ng Barbie Basics dahil sinusulong nito na tanggalin sa kahon ang manika at paglaruan - ibahin ang ayos ng buhok at suot na damit.

Sa halaga ng isang ticket sa concert o di kaya sa isang amusement park, may mabibili kang isang simpleng manika. Ang galak na makukuha mo sa concert at amusement park ay magtatagal ng isa/dalawang oras, pero higit pa doon ang oras ng tuwa na makukuha mo sa pagpapaganda ng isang manika! Sa haba ng oras ng saya na nakuha mo sa isang laruan, malulugi ka pa ba kahit ibenta mo ito kahit sa halagang PhP100 lang? Hindi. Bawing-bawi ka na sa tuwa at saya na nakuha mo.

Alam mo ba kung magkano magpalawak ng imahinasyon ngayon? Napakamahal dahil ang imahinasyon ay isang napakahalagang bagay. Hindi mo ito magagawa sa pamamagitan ng mga kinagawian. Kailangan may bago kang gawin. Sa pagmamanika, hindi pwedeng magkakapareho sila ng itsura o suot. Dapat may kakaiba. Hindi lahat laging naka-gown, black dress o maong. Dapat maya't maya ay may babaguhin - bagong damit, bagong hikaw, bagong buhok o di kaya make-up. Basta kaya mong isipin, pwede mong subukang baguhin.

Kaya ako, madalang na ako bumili ng bagong manika. Naghahanap ako ng mga damit ng manika, lalo na yung mga hindi ko kayang gawin. Tulad na lamang ng mga panlamig na kasuotan ni Barbie at Ken.



Kung hindi mo paglalaruan o di kaya ipagkakaloob sa isang tao para paglaruan ang isang manika, sayang lang. Wag ka na lang bumili. Sayang lang...

Walang komento: