May kilala ka bang umunlad na hindi dalubhasa sa larangang kanyang kinatanyagan? May mga yumayaman dahil sinewerte, tulad ng mga nanalo sa lotto pero ilan sa kanila ang patuloy na umunlad? Marami sa kanila ay bumalik sa pagiging mahirap.
Para umunlad kailangan ng kaalaman at kasanayan. Ang masmadaming kaalaman at kasanayan ay magbibigay daw ng masmagandang pagkakataon para umunlad. Ang mga marunong magpalago ng pera ay nagsanay at nag-aral kung paano ito gawin. Pansinin ang mga tanyag na mga manlilikha ng ng mga OOAK na manika. Malaking oras at panahon ang ginugol nila para pag-ibayuhin ang kanilang galing at kaalaman.
Karamihan sa mga mauunlad na tao ay dalubhasa sa kanilang mga piniling larangan. Ayong sa isang aklat, kailangan maglaan ng humigit-kumulang 10,000 oras para magpakadalubhasa sa isang gawain. Kung gusto mo magpakadalubhasa sa paggawa ng damit ng manika, halimbawa, kailangan mong gumawa ng humigit 1,670 damit! Iyan ay kung halos 6 oras gumawa ng isang simpleng damit (kasama na ang pagdesenyo, paggawa ng padron at pananahi).
Naisip ko na parang hindi ko yata kayang gawin yun. Nakakadalawang damit lang ako karaniwan sa isang buwan. Kailangan ko ng 70 taon para makagawa ng 1,670 damit. Imposible na! E papaano pa kung mag-repaint na masmadalang kong gawin? Parang wala naman akong makikitang kinabukasan sa pagmamanika. Masmabuti pang ituon ko ang akign pansin sa ibang bagay na pwede akong maging dalubhasa. Kung ano yun, hindi ko pa alam...lagot.
Ikaw, nagpapakadalubhasa ka ba sa pagbili ng manika?
_____________
Ang akdang ito ay hindi nangangahulugang titigil na ako sa pagmamanika. Lilimitahan ko lang.
Sa susunod subukan kong sagutin: Ilan ang kailangan kong manika?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento