Lunes, Pebrero 27, 2012

Barbie Basics Bilang Apat


Hindi ako naeenganyo magkwento tungkol sa mga manika na ito...

Sabado, Pebrero 25, 2012

Guhit Barbie

Noong bata pa ako, gustong gusto kong pinapanood ang mga patalastas ng mga laruan sa programang Uncle Bob Lucky Seven Club, lalo na ang patalastas ng Barbie. Sa labis na paghahumaling ko sa manika, igunuhit ko sya sa pahina ng isang aklat. Alam kong hindi ako magkakaroon ng Barbie noong bata ako kaya sa pagguhit ko na lang ng Barbie nilibang ang aking sarili.

Nakita ng nanay ko ang mga ginuhit ko. Pinagalitan nya ako. Hindi ko alam kung dahil sa dinumihan ko ng mga guhit ko ang isang aklat o dahil puro Barbie at Wonder Woman lang ang mga ginuguhit ko. Natatak sa isip ko ang huli. Simula noon hindi na ako gumuhit ng Barbie o kahit ano pang tauhang babae.


Iginuhit sa tulong ng Pencil Madness


Iba na ngayon. Lahat ng pananabik ko sa Barbie ay napapagbigyan na. At ngayon napagbigyan ko uli ang sarili ko na iguhit si Barbie. (Mahirap pala gumuhit na gamit ang mouse!)

Linggo, Pebrero 19, 2012

Raquelle


Sa wakas, isang manikang nakangiti na kita ang ngipin at may bahid ng pagka-Asyano! Kaso dapat ba may kulay pula ang buhok? Siguro ganun ang tingngin ng mga Kano sa mga Asyano... tingnan mo ang tauhan sa Glee na si Tina, dati naman, may kulay asul ang buhok. Makikita din ang kakaibang kulay sa bagong manikang Stardoll at maging sa lumang manikang Generation Girl Mari. Hindi ako mahilig sa ganung istilo. Kaya pinagbubunot ko ang kakaibang kulay na buhok.

Martes, Pebrero 14, 2012

Ang Mga Nauna



Silang dalawa ang simula kung bakit ako nahilig sa manika.

Biyernes, Pebrero 10, 2012

Wala na ako sa matinong pag-iisip


Barbie Fashionista tumaas ang presyo sa PhP999.75 mula PhP899.75.
Barbie Basics tumaas ang presyo sa PhP1699.75 mula PhP1499.75 .

Pero ang $1 bumaba mula PhP46 (yr 2010) sa PhP43 (yr2012), 
Dapat bumaba din ang presyo sa ating bansa, hindi ba?

(Sa ibang bansa, nagbagsakan pa ang presyo ng mas lumang manika, minsan 50% ang bawas,
pero dito, hindu nangyari yun. Swerte na kung may 20% na diskwento.)

Hindi ko alam kung mas mataas ang singil ng Mattel sa Richwell (Barbie monopolizer)
o sadyang gustong kumita ng malaki ang Richwell.

Pero syempre heto pa rin ako, bumibili, senyales na wala na ako sa matinong pag-iisip
dahil pumapayag ako magpaloko ng harap-harapan.

At dahil wala na ako sa matinong pag-iisip. Gaguhan na ang blog na ito.
Isang gago lang na tulad ko ang magsusulong ng kapakanan ng mga mayamang may-ari ng Richwell.

Bili na kayo ng Barbie. Ang ganda-ganda! SOBRA! 
Hindi kasi natin kayang maging kasing ganda nila kaya magtyaga na lang tayo sa kanila.

Ang sagot sa tanong ko kung ilan ang kailangan kong manika, ano sa tingin mo?
Wag ka nang umasa ng isang matinong sagot mula sa akin.
Wala na ako sa matinong pag-iisip. Kuha mo?

Biyernes, Pebrero 3, 2012

Pagpapakadalubhasa

May kilala ka bang umunlad na hindi dalubhasa sa larangang kanyang kinatanyagan? May mga yumayaman dahil sinewerte, tulad ng mga nanalo sa lotto pero ilan sa kanila ang patuloy na umunlad? Marami sa kanila ay bumalik sa pagiging mahirap.

Para umunlad kailangan ng kaalaman at kasanayan. Ang masmadaming kaalaman at kasanayan ay magbibigay daw ng masmagandang pagkakataon para umunlad. Ang mga marunong magpalago ng pera ay nagsanay at nag-aral kung paano ito gawin. Pansinin ang mga tanyag na mga manlilikha ng ng mga OOAK na manika. Malaking oras at panahon ang ginugol nila para pag-ibayuhin ang kanilang galing at kaalaman.

Karamihan sa mga mauunlad na tao ay dalubhasa sa kanilang mga piniling larangan. Ayong sa isang aklat, kailangan maglaan ng humigit-kumulang 10,000 oras para magpakadalubhasa sa isang gawain. Kung gusto mo magpakadalubhasa sa paggawa ng damit ng manika, halimbawa, kailangan mong gumawa ng humigit 1,670 damit! Iyan ay kung halos 6 oras gumawa ng isang simpleng damit (kasama na ang pagdesenyo, paggawa ng padron at pananahi).

Naisip ko na parang hindi ko yata kayang gawin yun. Nakakadalawang damit lang ako karaniwan sa isang buwan. Kailangan ko ng 70 taon para makagawa ng 1,670 damit. Imposible na! E papaano pa kung mag-repaint na masmadalang kong gawin? Parang wala naman akong makikitang kinabukasan sa pagmamanika. Masmabuti pang ituon ko ang akign pansin sa ibang bagay na pwede akong maging dalubhasa. Kung ano yun, hindi ko pa alam...lagot.

Ikaw, nagpapakadalubhasa ka ba sa pagbili ng manika?

_____________

Ang akdang ito ay hindi nangangahulugang titigil na ako sa pagmamanika. Lilimitahan ko lang.
Sa susunod subukan kong sagutin: Ilan ang kailangan kong manika?

Miyerkules, Pebrero 1, 2012

Para sa mga Nangungulekta Para Magbenta

Sa totoo lang wala pa akong nakikilalang yumaman sa ganyang paraan - yung mga kolektor kuno na bibili ng mga manika para itago pagkatapos ibebenta sa masmahal na halaga. (Iba ang distributor sa kolektor. Kolektor ang pinag-uusapan dito.) Maaring may ilang kumikita dito pero isa itong sugal, malaking sugal lalo na bansa natin. May masmagagandang paraan para kumita, kahit nakaupo ka lang at walang ginagawa pero hindi ito ang blog para pag-usapan iyon.

Kamakailan lang, nagbenta sa eBay ang isang kolektor ng mga koleksyon niyang Barbie. Sa murang halaga nya naibenta. Ilan sa mga ito ay hindi nabenta. Bakit ka bibili ng PhP10,000 na Barbie (na hindi gumagalaw ang maraming parte ng katawan) kung makakabili ka na ng magandang Fashion Royalty sa halagang PhP6,000 pataas?

Sa isang blog, nabasa ko ang isang komento ng eBay seller na iyon. Sabi nya...
Im a barbie collector of 300 dolls and believe me values doesnt really go up... it doesnt worth that much especially if its not 10years up sister!
Napagtanto siguro nya na hindi naman magandang paraan ang pagbili/pagbenta ng manika para kumita. Kaya ba sya sumuko at nagbenta sa masmurang halaga?

Kung sa pagbili/pagtago/pagbenta umiikot ang mundo ng pangungulekta para sa 'yo, maaring malugi ka. Sayang ang laruan kung hindi ito paglalaruan. Kaya sumikat ang linya ng Barbie Basics dahil sinusulong nito na tanggalin sa kahon ang manika at paglaruan - ibahin ang ayos ng buhok at suot na damit.

Sa halaga ng isang ticket sa concert o di kaya sa isang amusement park, may mabibili kang isang simpleng manika. Ang galak na makukuha mo sa concert at amusement park ay magtatagal ng isa/dalawang oras, pero higit pa doon ang oras ng tuwa na makukuha mo sa pagpapaganda ng isang manika! Sa haba ng oras ng saya na nakuha mo sa isang laruan, malulugi ka pa ba kahit ibenta mo ito kahit sa halagang PhP100 lang? Hindi. Bawing-bawi ka na sa tuwa at saya na nakuha mo.

Alam mo ba kung magkano magpalawak ng imahinasyon ngayon? Napakamahal dahil ang imahinasyon ay isang napakahalagang bagay. Hindi mo ito magagawa sa pamamagitan ng mga kinagawian. Kailangan may bago kang gawin. Sa pagmamanika, hindi pwedeng magkakapareho sila ng itsura o suot. Dapat may kakaiba. Hindi lahat laging naka-gown, black dress o maong. Dapat maya't maya ay may babaguhin - bagong damit, bagong hikaw, bagong buhok o di kaya make-up. Basta kaya mong isipin, pwede mong subukang baguhin.

Kaya ako, madalang na ako bumili ng bagong manika. Naghahanap ako ng mga damit ng manika, lalo na yung mga hindi ko kayang gawin. Tulad na lamang ng mga panlamig na kasuotan ni Barbie at Ken.



Kung hindi mo paglalaruan o di kaya ipagkakaloob sa isang tao para paglaruan ang isang manika, sayang lang. Wag ka na lang bumili. Sayang lang...