Lunes, Agosto 13, 2012

Ano ba ang Toy Expo Philippines 2012 ng Toy Kingdom?

Hindi ba pakana lang ito ng Toy Kingdom para bumenta ang mga laruan nilang hindi dati naibenta? Bakit kailangan pa ng Toy Expo kung buong taon naman bukas ang tindahan ng Toy Kingdom?

Magbibigay ba sila ng diskwento sa Toy Expo? Magkano? Tig-10% sa bagong laruan at 30% pataas sa mga hindi bumenta last year o mas luma pa? Sa mga paparating na -ber months, hindi ba magkakaroon pa ng ibang sale? At hindi ba ganoon din kaliit ang mga diskwentong makukuha? E bakit hindi mo na lang hintayin ang ibang sale? Bakit kailangan mo pa sadyain yung Toy Expo?

Hindi ba ang totoong "expo" ay pagbibida kung ano ang bago, pagpapakita ng innovations at hindi pagtityaga sa luma? Aasa ka ba na may innovations kang makikita sa Toy Expo Philippines 2012? Kung meron mang bago, ilang porsyento naman ito kumpara sa luma?

Pagkatapos mong itanong lahat itong tanong ko sa sarili mo, pupunta ka pa ba? Dapat bang pag-aksayahan ito ng panahon?

Huwebes, Agosto 9, 2012

Namor, may malansang balak

Kamakailan, sa kwento ng labanang Avengers vs X-men ng Marvel comics, binaha ni Namor ang Wakanda. Ngayon, namataan naman si Namor sa Philippine area of responsibility. Agad syang hinarap ni Darna upang maiwasan na maging bagong Atlantis ang Pilipinas.


Hindi alam ni Namor na mahilig kumain ng isda si Darna.

Martes, Agosto 7, 2012

Tama na kadramahan mo, Storm!

Kaya naman pala nagwawala si Storm. Nakipaghiwalay na pala sa kanya ang kanyang asawa. Kilala naman natin si Storm, kapag nagsimulang nagdrama, sumasama ang panahon.


Pero di papayag si Darna na makaapekto ang kadramahan ni Storm sa bansa nya, di ba?


Tunggaliang Storm (ng X-men) at Darna

Huwebes, Agosto 2, 2012

Darna, gaya-gaya?

Minsan tinatawag na Filipino Wonder Woman si Darna. Isa siguro sa pinakamatinding intriga na ipinukol kay Darna ay ang pagbintang na ginaya sya kay Wonder Woman.


Ayon artikulong Darna: The Filipino Superheroine ni Ernee Lawagan, si Darna ay hinango kay Superman. Nabuo na at inialok sa mga publishers ang konsepto ni Darna (na dating si Varga) noong 1939 pa, dalawang taon bago lumabas sa komiks si Wonder Woman. Duda dati mga publisher na tatanggapin ng mambabasa ang isang bidang babae kaya hindi ito nailathala agad.

Totoo man ang kwentong iyon o hindi, hindi na ganoon kahalaga kung saan nagsimula si Darna. Ang masmahalaga ngayon ay kung saan sya patutungo at mukhang wala nang patutunguhan si Darna. Dahil lumisan na ang may akda kay Darna, marahil magtyatyaga na lamang tayong tumatangkilik sa kanya sa mga recycled na kwento. Buti pa si Wonder Woman, may mga bagong kwento, walang pagod sa pakikipagsapalaran.

Pero kahit papaano, si Darna may masayang wakas.

Miyerkules, Agosto 1, 2012

Darna, Bira!

Tulad ni Superman, galing sya sa ibang planeta. Tulad ni Wonder Woman, isa syang magandang mandirigma. Tulad ni Captain Marvel, kailangan nyang bigkasin ang isang kataga para magpalit ng anyo. Hindi katulad ng mga nabanggit na tauhan, kapag si Darna ang bumira, kaya nyang patayin ang kanyang kalaban. Ayos lang iyon sa mga tagahanga niya.


Hindi naman sa hindi naniniwala si Darna na kayang magbago ng mga masasama. Wala lang bilangguan sa maliit na bayan niya na kayang paglagakan ng mga makapangyarihan niyang kalaban. Isa pa, nakiusap naman sya na sumuko ang kanyang kalaban. Kung ayaw nila sumuko, makakatikim sila ng bira ni Darna.

Sa TV series na pinagbidahan ni Marian Rivera, pinakita kung paano naputol ni Darna ang braso ng Babaeng Lawin. Kahit magmakaawa ang Babaeng Linta kay Darna na wag sya patayin, pinatay pa din sya ni Darna. Sa isa namang episode pinakita kung paano sa papapagitan ng kanyang kamay, butasin ni Darna ang dibdib ni Zandro, hari ng liping ahas. Lahat yan napanood ng mga bata. Bilib ka na ba?


Karamihan ng mga larawan ni Darna ay nagpapakita sa kanyang lumilipad, naka-pose bago makipaglaban, o kaya nakatayo parang modelo ng damit. Wala masyadong nagpapakita kung paano nya bugbugin o patayin ang kanyang mga kalaban. Naisip kong gumawa ng ganoong larawan.

Nabali ang braso ng laruan kong Catwoman. Ang hilig ko kasi ipagawa sa kanya ang iba't ibang pose. Kahit sira na sya, hindi ko sya tinapon. Baka magamit ko pa din sya balang araw. Ito na yung araw na iyon.