Tulad ni Superman, galing sya sa ibang planeta. Tulad ni Wonder Woman, isa syang magandang mandirigma. Tulad ni Captain Marvel, kailangan nyang bigkasin ang isang kataga para magpalit ng anyo. Hindi katulad ng mga nabanggit na tauhan, kapag si Darna ang bumira, kaya nyang patayin ang kanyang kalaban. Ayos lang iyon sa mga tagahanga niya.
Hindi naman sa hindi naniniwala si Darna na kayang magbago ng mga masasama. Wala lang bilangguan sa maliit na bayan niya na kayang paglagakan ng mga makapangyarihan niyang kalaban. Isa pa, nakiusap naman sya na sumuko ang kanyang kalaban. Kung ayaw nila sumuko, makakatikim sila ng bira ni Darna.
Sa TV series na pinagbidahan ni Marian Rivera, pinakita kung paano naputol ni Darna ang braso ng Babaeng Lawin. Kahit magmakaawa ang Babaeng Linta kay Darna na wag sya patayin, pinatay pa din sya ni Darna. Sa isa namang episode pinakita kung paano sa papapagitan ng kanyang kamay, butasin ni Darna ang dibdib ni Zandro, hari ng liping ahas. Lahat yan napanood ng mga bata. Bilib ka na ba?
Karamihan ng mga larawan ni Darna ay nagpapakita sa kanyang lumilipad, naka-pose bago makipaglaban, o kaya nakatayo parang modelo ng damit. Wala masyadong nagpapakita kung paano nya bugbugin o patayin ang kanyang mga kalaban. Naisip kong gumawa ng ganoong larawan.
Nabali ang braso ng laruan kong Catwoman. Ang hilig ko kasi ipagawa sa kanya ang iba't ibang pose. Kahit sira na sya, hindi ko sya tinapon. Baka magamit ko pa din sya balang araw. Ito na yung araw na iyon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento